Sa statement ng Supreme Court En Banc na binasa ni SC Spokesperson at Assistant Court Administrator Atty. Brian Hosaka, hindi tino-tolerate ng hudikatura ang ginagawang karahasan laban sa mga nasa legal profession.
Ang mga ginagawa sabi ng Supreme Court na pagbabanta sa mga abogado at hukom ay pag-atake na rin sa hudikatura na bahagi ng Republican system.
Wala aniyang puwang ang ganitong mga gawain sa isang sibilisadong pamayanan tulad ng Pilipinas.
Nakasaad sa statement na walang maaring pumigil sa Supreme Court upang manindigan para sa mga abogado at mga hukom.
Ang mga pagbabanta sa mga abogado o judge upang hindi ng mga ito maganpanan ang kanilang tungkulin ay may sersyosong epekto para maging accessible sa lahat ang Rule of Law.
Iginiit din ng SC na lahat ng karapatan na ginagarantiyahan ng Saligang Batas ay dapat napoprotektahan.
Sabi ng korte, alam nilang mayroong mga grupo na upang makamit ang nais ay isinasantabi ang mga limitasyon sa ilalim ng mga umiiral na batas.
Dahil dito, hiniling ng SC sa mga lower court at iba’t ibang mga law enforcement agency na magsumite ng mga kinakailangang impormasyon upang malinawan ang mga banta at pagpatay sa mga abogado at hukom sa nakalipas na 10 taon.
Hinimok din ng korte ang publiko at iba’t ibang mga grupo na magsumite ng mga impormasyon may kinalaman sa mga pagbabanta at pagtapatay.
Kailangang maisumite ang mga dokumento at impormasyon sa SC PIO hanggang bago ang en banc session ng mga mahistrado sa huling linggo ng Abril 2021.
Ito, ayon sa korte, ang kanilang pagbabatayan para sa mga susunod na aksyon.
Habang wala pang inilalabas na bagong rules, maglalabas ng kautusan ang korte para sa paggamit ng mga body camera sa pagsisilbi ng arrest at search warrant.
Inatasan din ng korte ang Office of the Court Administrator na makipag-ugnayan sa mga law enforcement agency para imbestigahan ang pagdawit sa isang judge sa CPP-NPA.
Nais ding malaman ng korte ang mga pagbabanta sa mga hukom sa nangyari sa loob ng 10 taon.
Nakikipag-ugnayan na rin ang korte sa judges upang mabigyan ang mga ito ng seguridad.
Hinikayat din ng korte ang mga abogado o ang kanilang kliyente na nakaranas ng harassment na maghain ng kinakailangang petisyon para maaksyunan ng mga husgado.
Tiniyak din ng Supreme Court sa publiko at mga miyembro ng legal community na patuloy na pangangalaan ang kanilang karapatan sa ilalim ng batas.
Nanawagan din ang korte sa legal profession na ipagpatuloy ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Sa tala ng National Union of People’s Lawyer o NUPL, 54 na abogado na at hukom ang napatay simula noong 2016 na may kaugnayan sa kanilang trabaho.