Aktibong kaso ng COVID-19 sa Kamara, pumalo sa 43

Inquirer file photo

Mayroong 43 aktibong kaso ng COVID-19 sa mga kawani ng Mababang Kapulungan.

Ito ang dahilan, ayon kay House Secretary-General Mark Llandro Mendoza, kaya pumalo na sa kabuung 277 ang kabuuang kaso na kanilang naitala mula nang pumutok ang COVID-19 pandemic.

Sa naturang bilang, 227 ang gumaling na mula sa naturang sakit.

Pito naman aniya ang mga namatay dahil sa COVID-19, kasama na ang dalawang kongresista.

Hindi naman kasama sa bilang ang ibang mambabatas na nagpa-COVID-19 test sa ibang pasilidad at nagpositibo sa sakit.

Ang pagdami rin ng kaso ng COVID-19 ang dahilan kung bakit suspendido ang pasok ng mga manggagawa at sesyon sa Kamara sa araw ng Martes (March 23) at Miyerkules (March 24).

Kaugnay nito, ipinag-utos ni House Speaker Lord Allan Velasco na magsagawa ng disinfection sa buong Batasan Complex para sa kaligtasan ng mga empleyado.

Sa Huwebes, March 25, magbabalik-sesyon ang Kamara upang tapusin ang mga trabaho bago ang break para sa Semana Santa.

Read more...