Kinalampag ni Marikina Representative Stella Quimbo ang pamahalaan para sa pagkakaroon ng mas epektibong lockdown policy. Ayon kay Quimbo, hindi lamang dapat tutugon sa dumaraming kaso ng COVID-19 ang lockdown kundi reresolba rin sa mga pangangailangang pang-ekonomiya ng bansa. Paliwanag ni Quimbo, na isang ekonomista, inaasahan na ang ilang mga negatibong epekto ng ipinatutupad na “NCR plus bubble” sa ekonomiya pero ginagawa naman aniya ito upang makontrol ang pagkalat pa ng COVID-19. Para sa mambabatas ang isinusulong na panukalang Bayanihan 3 ang susi para maging epektibo ang lockdown dahil kakailanganin aniya ng ayuda kapag bumabagal ang economic activity sa bansa. Ang mga pamilya, lalo na ang mga mahihirap, ay kailangan ng tiyak na tulong habang sila ay tumatalima sa quarantine. Gayundin ang mga manggagawa, na dapat ay may kita pa rin lalo na kapag kinailangan na mag-isolate at hindi makapag-trabaho. Ang mga barangay naman, sinabi ni Quimbo na dapat ding matulungan lalo na sa pagbibigay ng relief goods at masubaybayan ang mga tao. Giit pa ni Quimbo, hangga’t wala pang herd immunity ay patuloy na mahihirapan ang mga negosyo. Kaya upang maging mabisa ang lockdown habang nilalabanan ang COVID-19 ay panahon nang isabatas ang Bayanihan 3.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.