Paglalagay ng pader ng BuCor sa gitna ng kalsada ng NBP pinaiimbestigahan sa Kamara

(Courtesy: Muntinlupa PIO) Pinaiimbestigahan ni Muntinlupa Representative  Ruffy Biazon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kontrobersyal na paglalagay ng Bureau of Corrections (BuCor) ng pader sa gitna ng kalsada sa Muntinlupa City Sa inihaing House Resolution 1666, hinihimok ni Biazon ang kaukulang komite ng Kamara na imbestigahan ang pader na itinayo ng BuCor at pansamantalang pagsasara ng Insular Prison Road sa New Bilibid Prison Reservation. Kasabay nito, pormal nang lumiham si Biazon kay Justice Secretary Menardo Guevarra para hilingin na gibain na ng BuCor ang pader na nagdudulot ng perwisyo sa mga residenteng apektado lalo na ng Southville 3. Ayon kay Biazon, ilegal ang ginawa ng BuCor batay sa Article 694 ng Civil Code, dahil maituturing itong “obstruction” at labag sa “free passage” sa mga pampublikong highway o kalsada. Iginiit nito na walang konsiderasyon ang ginawa ng BuCor sa panahon pa ng pandemya. Hiling din ni Biazon kay Guevarra, sana ay makipag-ugnayan o sabihan naman ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa o ang opisina ng mambabatas kapag may mga plano ang BuCor na labis na makaka-apekto sa mga residente. Nauna nang sinabi ng BuCor na ang paglalagay ng pader ay para sa “security reasons” at pag-iingat laban sa tumataas na mga kaso ng COVID-19.

Read more...