Marcos umapila sa publiko na itabi muna ang pulitika at suportahan si Pacquiao

By Jong Manlapaz April 09, 2016 - 03:22 PM

Photo Relase
Photo Relase

Nanawagan ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa lahat ng Pilipino na magkaisa para suportahan si Sarangani Rep. Manny Pacquiao at ipagdasal ang tagumpay sa kanyang laban sa American boxer na si Timothy Bradley.

Maglalaban ngayong Linggo ang dalawang boksingero sa MGM Grand Casino sa Las Vegas at posibleng ito na ang huling laban ni Pacquiao bago ito magretiro.

“Kahit na sa loob ng ilang oras lang kalimutan muna natin ang pulitika at magkaisa tayong lahat para suportahan ang ating ‘Pambansang Kamao’,” ani Marcos.

Ayon sa senador, kahit ano pa ang sabihin ng iba laban kay Pacquiao hindi maitatanggi na nagdala ang huli ng karangalan sa bansa sa kanyang kamangha-manghang karera bilang boksingero kung saan napahanay siya sa mga kinikilalang pinakamagaling sa kasaysayan ng boksing.

“Muling binuhay ni Pacquiao ang ating pagmamalaki sa ating sarili bilang mga Pilipino at nagbigay inspirasyon sa napakarami sa atin na ipakita ang ating galing sa kabila ng anumang hirap at pagsubok sa buhay. Dahil dito nararapat lamang na ipakita natin ang pagsuporta sa kanya,” ani Marcos.

Bagaman bahagi si Pacquiao ng guest senatorial candidate sa tambalang Marcos at Miriam Defensor Santiago, nilinaw ni Marcos na walang kinalaman ang pulitika sa kanyang panawagan ng suporta sa boksingero.

“Isa lamang ako sa maraming proud na Pilipino na sumusuporta sa isang kababayan na napakalaki ng nagawa para sa ating lahat, sa isang taong nagpakita sa atin kung anong pwede nating magawa kung magkakaisa tayong lahat,” ani Marcos.

TAGS: Ferdinand Marcos Jr., manny pacquiao, Ferdinand Marcos Jr., manny pacquiao

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.