De Lima sa publiko: Huwag matakot ipahayag ang katotohanan!
Hinikayat ni Senator Leila de Lima ang sambayanang Filipino na ipahayag lang ang katotohanan at ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa kabila ng mga pagbabanta at pananakot ng administrasyong Duterte.
Reaksyon ito ni de Lima sa resulta ng SWS survey na mas maraming Filipino ang naniniwalang delikado ang banat o kritisismo sa gobyerno.
“Sa matagumpay na pagpapasara ng ABS-CBN, pagbabanta sa Rappler at Inquirer, panggigipit kay Maria Ressa at sa iba pang mamamahayag at kritiko, talagang tumatak na sa mas nakakaraming Pilipino na mapanganib ang mag-ulat ng negatibo o puna sa rehimeng Duterte,” sabi ng senadora.
Nangangamba si de Lima na nagbabadya ang diktadurya dahil namamayani ang takot at pag-aalinlangan sa pag-uulat at paglalathala na magbubunyag ng totoo at kabalastugan sa gobyerno.
Sinabi pa nito na hindi dapat hayaan ang gobyerno na magpatuloy ang pang-aabuso sa kapangyarihan, pagbalewala sa mga karapatan at pang-aapi sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.