May dalawang weather system na nakakaapekto sa bansa.
Ayon kay PAGASA weather specialist Chris Perez, umiiral ang Tail-end of Frontal System sa bahagi ng Northern Luzon.
Bunsod nito, asahan aniya ang maulap na papawirin na may kalat-kalat na mahihina hanggang katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at Aurora.
Easterlies naman ang nagdudulot ng mainit at maalinsangang panahon sa natitirang bahagi ng bansa, kabilang ang Metro Manila.
Ngunit, sinabi ni Perez na posibleg magkaroon ng isolated thunderstorms, lalo na sa Silangang bahagi ng bansa.
Samantala, mayroong namataang cloud cluster sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ani Perez, hindi pa ito maituturing na isang low pressure area (LPA) at wala pa aniyang ipinakikitang sinyales na posibleng maging bagyo sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw.