Ito ang sinabi ni Galvez sa online media forum sa Kapihan sa Manila Bay kung saan magiging prayoridad ng India sa pagsusuplay ng bakuna ang Pilipinas at Indonesia.
Aniya, gagawa rin ang nasabing kumpaniya ng iba pang bakuna na ibebenta sa bansa nang mas mura bilang tugon na rin sa ikinakasang vaccination program ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Galvez, kasama sa napag-usapan sa Serum Institute of India na pag-aralan nila na maibalik ang kakayahan ng bansa at tulungang makagawa ng sariling bakuna.
Ayon pa sa kalihim, umaasa sila na matatapos na ang pagbabakuna sa 1.7 milyong medical frontliners at healthcare workers sa buwan ng Abril kung saan agad nilang isusunod ang mga nasa priority list.
Inaabangan na rin ang pagdating ng nasa 2.3 milyong bakuna bago matapos ang buwan ng Marso hanggang sa unang linggo ng Abril.
Sinabi pa ni Galvez na target nilang maumpisahan ang massive vaccination program ng gobyerno sa pagpasok ng buwan ng Mayo kung saan inaasahan nila na mabakunahan ang nasa isang milyong tao kada linggo sa darating na Abril, dalawang milyon kada linggo sa buwan ng Mayo.
Kung magiging normal naman ang production sa medical supplies, iginiit ni Galvez na sisikapin nila na mabakunahan ang nasa tatlo hanggang limang milyong tao kada linggo sa buwan ng Hunyo.