Pag-disperse sa mga magsasaka sa Kidapawan City, hindi iniutos ni Gen. Marquez
Hindi naman iniutos sa mga pulis na i-disperse ang mga magsasakang nag-protesta sa highway sa Kidapawan City, North Cotabato.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Ricardo Marquez, walang standing order para i-disperse ang mga nag-protesta, bagkus ay sinabihan lang ang mga pulis na klaruhin ang daanan para maisaayos ang daloy ng trapiko.
Hindi rin alam ni Marquez kung sino ang nagbigay ng order na mag-warning shot na siya namang dahilan ng naging komosyon at karahasan na ikinasawi ng hindi bababa sa dalawang magsasaka at ikinasugat ng mahigit 100 iba pa.
Sinabi naman ni regional police director Chief Supt. Noel Armilla sa pagdinig ng Senado na tinutukan ni Marquez ang insidente sa Kidapawan mula nang unti-unting nagtipun-tipon ang mga magsasaka para magbarikada sa highway noong March 30.
Paglilinaw ni Marquez, desisyon ng binuong crisis management committee ang hindi pagdi-disperse sa mga nag-protesta, at na bigyang daan na lamang ang daloy ng trapiko.
Naniniwala rin ang hepe ng PNP na posibleng nagpaputok ng warning shot ang mga pulis nang pinagtulungan nang bugbugin ng mga nagpo-protesta ang dalawa sa kanilang mga tauhnan.
Itinanggi rin naman ni North Cotabato procincial police director Supt. Alexander Tagum ang pagbibigay ng anumang katulad na order.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.