6 na vice presidential candidates kumpirmadong dadalo sa debate

VP wannabeNagkumpirma na ng kanilang pagdalo ang lahat ng anim na kandidato sa pagka-bise presidente sa gaganaping vice presidential debate sa Linggo, April 10.

Ayon sa mga organizer ng debate, pawang nabigay na ng kumpirmasyon sina Senators Alan Peter Cayetano, Francis Escudero, Gringo Honasan, Ferdinand Marcos Jr., Antonio Trillanes IV; at si Camarines Sur Rep. Leni Robredo.

Ang debate ay pangungunahan ng Commission on Elections (Comelec) at CNN Philippines na gaganapin sa Quadricentennial Pavillion ng University of Santo Tomas sa Linggo, mula alas 5:00 ng hapon hanggang alas 7:30 ng gabi.

Ayon kay Pal Marquez, vice president for news and current affairs ng CNN Philippines, ang magiging format debate ay dual moderator at town hall format.

Kabilang sa mga tatalakaying isyu ang korapsyon, kahirapan, political dynasties, human rights, peace and order, traffic at iba pang urban problems, connectivity at foreign policy.

Ganap na ala 1:00 ng hapon bubuksan na ang gates para sa mga nais manood ng debate, habang ang mga kandidato ay inaasahang magsisimulang dumating sa venue alas 3:00 ng hapon.

Maglalaan ng 500-seater media center para sa mga journalist habang 150 na supporters naman bawat kandidato ang papayagang makapasok sa debate hall.

 

Read more...