Trahedya sa Kidapawan, mauulit kung walang maayos na polisya sa agrikultura-Marcos

ferdinand-bongbong-marcos2-jrNagbabala si vice presidential candidate at Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., na maaaring maulit muli ang malagim na trahedya na nangyari sa Kidapawan kung hindi magigising ang gobyerno para maglatag ng maayos na polisiya sa agrikultura na mangangalaga sa kapakanan ng mga magsasaka.

Matatandaang kinondena ni Marcos ang marahas na dispersal ng mga magsasakang nag-rally sa Kidapawan para humingi ng bigas at ilabas ang calamity fund dahil nagugutom na ang kanilang pamilya bunsod ng tag-tuyot na dala ng El Niño phenomenon.

Naghain si Marcos ng Senate Resolutin No. 1739 na humiling ng imbestigasyon sa senado sa madugong dispersal operation kung saan tatlo ang namatay at daan-daang iba pa ang nasaktan, para mabigyan ng hustisya ang mga magsasaka at madala ang kailangang tulong sa lalong madaling panahon.

“Pero para sa long-term, dapat na magkaroon tayo ng maayos na polisiya sa agrikultura na mangangalaga sa ating mga magsasaka dahil kung hindi ay baka muling maulit ang malagim na insidente tulad ng sa Kidapawan,” ani Marcos.

Aniya ang kakulangan ng pansin ng gobyerno sa sektor ng agrikultura ay siyang nagbunga ng maanumalyang sitwasyon kung saan kung sino ang nagpapakain sa bansa ay siyang nagugutom.

Ayon kay Marcos matagal nang alam ng gobyerno na pabalik-balik ang El Niño pero hanggang ngayon ay hindi naisaayos ang irigasyon at wala ring mga alternatibong paraan para makapag-imbak ng tubig sa panahon ng tag-ulan. “Alam naman nating lahat na pag walang tubig hindi makakapagtanim ang mga magsasaka kaya dapat lamang na ayusin natin ang ating sistema ng irigasyon,” ani Marcos.

Nauna rito sinabi rin ng senador na hindi na dapat singilin pa ng gobyerno ang mga magsasaka sa paggamit ng tubig ng irigasyon.

Kabilang sa mga dapat gawin, ayon kay Marcos, ang paglalagay ng murang pautang, mas maayos na crop insurance, research and development para sa mga binhi na matibay sa tag-tuyot o baha, dagdag na mga post-harvest facilities, at mga farm-to-market road sa tamang lugar para mabilis na madala ang ani sa pamilihan.

Ayon kay Marcos, natutunan niya sa matagal na karanasan bilang gobernador ng Ilocos Norte na kapag nabigyan ng gobyerno ng sapat na tulong ang mga magsasaka ay hindi lamang bumubuti ang kaniliang kabuhayan kundi kasama ring umuunlad ang ekonomiya ng kanilang lugar.

 

Read more...