Pansamantalang inilagay sa lockdown ang barangay hall ng Barangay San Jose sa Navotas City.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, epektibo ito sa araw ng Martes, March 16.
Sinabi ng alkalde na isinailalim na sa RT-PCR swab test ang lahat ng mga opisyal at kawani ng barangay para sa kaligtasan nila at ng kanilang mga nasasakupan.
“Ang pagpapa-swab test sa lahat ng mga opisyal at kawani ng lahat ng mga barangay ay bahagi ng ating pagsisikap na mapigilan ang posibleng pagdami pa ng mga kaso ng COVID-19 sa ating lungsod at ma-proteksyunan ang ating mga barangay workers at mga mamamayan,” pahayag ni Tiangco.
Umapela naman ang alkalde sa mga residente sa Navotas na maging responsable sa kanilang kalusugan at gawin ang makakaya upang hindi mahawa ng COVID-19.
Nagpaalala si Tiangco na ugaliin pa rin ang pagsusuot ng face mask at face shield, sundin ang isa hanggang dalawang metrong social distancing, maghugas o mag-disinfect ng mga kamay, at lumabas lamang ng bahay kung kinakailangan.
“Sa pag-iingat po natin sa ating kalusugan, napoprotektahan din natin ang ating kakayahang makapaghanapbuhay,” saad nito.