Duterte kay Roque: “Bakit ka nagka-positive?”

Malacañang Photo

“Bakit ka nagka-positive?”

Tanong ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang tagapagsalita na si Presidential Spokesman Harry Roque matapos mag-positibo sa COVID 19.

Nagtataka ang Pangulo kung saan nakuha ni Roque ang virus.

“Si Harry Roque, Harry, bakit ka nagka-positive?” tanong ng Pangulo.

Tugon ni Roque, hindi niya alam kung saan nakuha ang virus.

“Ay ewan ko po pero binibilang ko po kung saan ko posibleng nakuha pero sumama po ako sa rollout ng vaccination sa PGH, sa Vicente Sotto, sa Southern Philippines, sa dalawang medical at saka sa ano po ‘no — sa Roque Ablan,” tugon ni Roque

Ayon sa Pangulo, kahit nagpositibo si Roque sa COVID 19, tuloy pa rin ang trabaho ng kalihim.

“Tuloy-tuloy pa rin po ang mga press briefing, tuloy-tuloy po ang lahat. Kaya lang po para huwag ako makahawa, naka-isolate po ako,” pahayag ni Roque.

tanong ulit ng pangulo kung nagpa swab test ulit si roque.

Ayon kay Roque, dalawang beses na siyang nagpa-swab test at parehong positibo ang resulta.

Bukod sa opisyal na tagapagsalita ni Pangulong Duterte, nagsisilbi ring tagapagsalita si Roque ng Inter-Agency Task Force.

Matatandaang binabatikos si Roque dahil sa kabila ng paulit-ulit na paalala na manatili muna sa bahay para makaiwas sa COVID 19, panay naman ang pagtungo ng kalihim sa iba’t-ibang lugar.

Kabilang na ang pagtungo sa beach sa Boracay, pag-swimming kasama ang mga dolphin sa Subic,  Zambales, videoke sa Baguio City at pagtungo sa Cebu at iba pang lugar.

Pero ayon kay Roque, hindi pamamasyal ang kanyang ginagawa kundi trabaho.

Read more...