Mga pasaway na opisyal ng gobyerno sa IATF ipinasisibak sa puwesto
Ipinasisibak ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga itinalaga sa Inter-Agency Task Force (IATF) at iba pang opisyal na dapat ay mas kinakikitaan ng pag-iingat sa publiko laban sa COVID-19.
Ayon kay Zarate, mamamayan ang sinisisi sa biglaang pagtaas ng mga kaso ng sakit gayong ilan sa mga opisyal ang siya pang nangunguna sa pagiging pasaway.
Tinutukoy ng kongresista ay sina PNP Chief General Debold Sinas at Presidential Spokesperson Harry Roque na nakumpirmang positibo sa COVID-19.
Tinawag ng mambabatas si Sinas na “epitome of impunity” dahil sa kabila ng unang paglabag nito sa ginawang mañanita party noong nakaraang taon sa kanyang kaarawan ay hindi ito dumaan sa health screening nang magtungo ito sa Mindoro.
Samantala, sinabi naman ng kongresista na si Roque ay natatanging halimbawa ng isang pasaway dahil sa halip na mag-isolate matapos makumpirmang may COVID-19 ay nagawa pa nitong pumasok sa opisina kung saan may banta na posibleng mahawa ang ibang empleyado sa Palasyo.
Aniya, kung ang pakahulugan sa “excellent” na pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 ay pagkapuno ng mga hospital wards, pagtaas pa lalo ng kaso, kawalan ng mass testing at mabagal na vaccine rollout na sinabayan pa ng mga pasaway na opisyal, hindi malayong nasa mas delikadong sitwasyon ang bansa sa pagharap sa pandemya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.