Nakatabing COVID-19 vaccines para sa second dose, dapat nang gamitin

PCOO photo

Ipinagagamit na ni dating Health Secretary at Iloilo Rep. Janet Garin sa Department of Health o DOH ang mga nakatabing “second dose” ng COVID-19 vaccines.

Ayon kay Garin, habang naghihintay ng panibagong suplay ng mga bakuna ang gobyerno ay maaaring iturok na ang mga nakatabing ikalawang dose ng bakuna sa mga prayoridad o kaya’y “additional recipients” na matutukoy ng DOH o ng Inter-Agency Task Force o IATF.

Aniya, ang mga paparating na bagong batch ng mga bakuna ay maaaring magamit bilang ikalawang dose ng mga nauna nang nabakunahan.

Paliwanag ni Garin, matatalo ang layunin ng pagbabakuna kung walang “urgency.”

Paalala pa ng mambabatas, importante ang mga bakuna lalo’t lumolobo ang mga kaso ng COVID-19 sa kasalukuyan.

Kailangan din aniyang mas maraming tao ang maprotektahan laban sa sakit dahil may presensya na rin ng bagong variants ng COVID-19, o ang UK, South African at Brazil variants.

Dagdag ng dating DOH secretary, dapat na palawakin pa ng pamahalaan ang “immunization coverage” o mga mababakunahan ng COVID-19 vaccines upang mas marami ang masagip na buhay.

Read more...