Paghingi ng PNP ng listahan ng mga abogado ng mga komunistang grupo, inalmahan ng abogadong kongresista

Napabilang si House House Committee on Justice Vice Chairman at Rizal Rep. Fidel Nograles sa mga tumutuligsa sa paghingi ng pulisya ng listahan ng mga abogado ng mga personalidad na iniuugnay sa New People’s Army.

Sabi ni Nograles; “Hands off lawyers and matters of the court.”

Sinabi ito ng mambabatas, na isa ring abogado, matapos humingi ang hepe ng Calbayog City Police Station intelligence unit ng listahan ng mga abogadong tumutulong sa sinasabing “communist terrorist group (CTG).

Iginiit nito na hindi krimen ang maging abogado, kahit sino pa ang katawanin nila sa korte.

Dapat din anyang hindi tinatarget ang mga abogado na ang ginagawa lamang ay ipagtanggol ang karapatan ng isang indibidwal sa ilalim ng Saligang Batas.

“Last I checked lawyering is not a crime, regardless of who you represent. Lawyers must not be targeted for upholding constitutionally and universally guaranteed rights,” saad ni Nograles.

Kaugnay nito, hinimok ni Nograles ang liderato ng DILG at PNP na itama ang maling paniniwala na may kapangyarihan ang mga istasyon ng pulisya na manghingi ng kahalintulad na listahan.

Iginiit pa nito, “The police has no business meddling with affairs of the court. We cannot condone this overreach by the Calbayog City police, which undermines the administration of justice through intimidation, hidden behind the veil of courtesy and pseudo-legality.”

Binalaan rin ni Nograles ang mga lider ng enforcement agencies na huwag hayaang maging standard procedure ang ganitong “requests.”

Una nang sinibak sa pwesto ni PNP OIC Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar si Police Lt. Fernando Calabria dahil sa ginawa nitong pagsulat sa korte.

Read more...