Tinawag ng Dept. of Budget and Management na pamumulitika ang paninisi ni Senator Alan Peter Cayetano sa kanila sa matinding pinsala ng El Niño sa North Cotabato.
Reaksyon ito ni Budget Secretary Butch Abad sa pahayag ni Cayetano na hindi sana nangyari ang kilos protesta ng mga magsasaka at madugong dispersal sa mga ito sa Kidapawan.
Paliwanag ni Abad, walang katotohanan ang mga alegasyon ni Cayetano dahil ang mga ahensya ay may kani-kanilang calamity at emergency fund na nakalakip sa kanilang mga regular budgets.
Dagdag pa rito, may mga Quick Response Funds pa aniya ang mga ito na kasama sa comprehensive release na maagang natanggap ng mga ahensya.
Katunayan, inihalimbawa nito na Nobyembre pa lang ng 2015, may cash-for-work at food packs na ang Dept. of Social Welfare and Development o DSWD.
Hirit pa ni Abad, ang mga LGUs, katulad ng Provincial Government ng North Cotabato, mayroon ding ipinamamahaging bigas at pagkain mula sa kanilang calamity fund.
Aniya, kung kukulangin pa ang lahat ng nasabing pondo, nandiyan pa ang halos hindi pa nagagalaw na NDRRMC fund na puwede ring pagkunan ng tulong para sa mga tinatamaan ng El Nino.
Kaugnay nito, nanawagan si Abad kay Cayetano na huwag idamay ang kalagayan ng mga naghihirap na magsasaka sa kaniyang pamumulitika.