Malaking bahagi ng bansa makararanas ng pag-ulan

Asahan na ang maulang panahon ngayong araw.

Ayon sa PAGASA, kaninang 3am huling namataan ang kanilang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa layong 70 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Puerto Princesa City.

Sabi ng weather bureau mababa ang tyansa na maging isang bagyo ang nasabing LPA.

Northeast Monsoon naman o Amihan ang nakaaapekto sa Northern Luzon habang ang Tail-end ng Frontal System ang sa eastern section ng Southern Luzon.

Ang MIMAROPA, CALABARZON,  Bicol Region, Visayas, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula at Caraga Region ay makararanas ng maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm dahil sa LPA at Tail-end ng Frontal System

Maulap na kalangitan naman na may  pag-ulan ang mararanasan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at lalawigan ng Aurora dahil sa Amihan.

Ang Ilocos Region at nalalabing Central Luzon ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na himpapawid na may kasamang isolated rains dahil pa rin sa Amihan.

Bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan naman ang mararanasan sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Mindanao dulot ng localized thunderstorm.

Ang araw ay sumikat 6:05 ng umaga at inaasahang lulubog 6:06 mamayang gabi.

 

Read more...