Nag-inspeksyon si Public Works and Highways Secretary Mark Villar sa isa pang bypass road na magkokonekta sa Pulilan at Baliuag sa probinsya ng Bulacan, araw ng Biyernes (March 12, 2021).
Sinabi ni DPWH Region 3 Director Roseller Tolentino na napadali ang pagbiyahe sa four-lane Pulilan–Baliuag Diversion Road sa pagitan ng dalawang bayan.
Mula sa dating isang oras, ngayon ay 30 minuto na lamang ang biyahe mula Baliuag patungong Pulilan at pabalik.
Kasunod ng pagtatapos ng ikaapat at final phase ng proyekto, tiniyak ni Villar na mas ligtas at environment-friendly ang road facility para sa mga motorista, bikers at pedestrians.
Ang naturang diversion road ay mayroong bike lane.
Sa Phase 4 ng proyekto, nakumpleto ng DPWH Region 3 ang lane widening at installation ng reflectorized bike lanes at metal beam guards, at konstruksyon ng slope protection structures para sa mas ligtas na pagbiyahe ng publiko at mga nagbibisikleta.
Dagdag pa ni Villar, nakatulong ang pagpapalawak nito na madagdagan ang road capacity.
Matatandaang sinimulan ang konstruksyon ng Pulilan – Baliuag Diversion Road noong taong 2016.