Muntinlupa LGU susunod sa uniform curfew ng Metro Manila Council
Irerespeto at susunod ang pamahalaang-lungsod ng Muntinlupa sa napagkasunduan na uniform curfew ng Metro Manila Council.
Ito ang pagtitiyak ni Tez Navarro, ang tagapagsalita ng lungsod, dahil aniya sumusunod si Mayor Jaime Fresnedi kung anuman ang napapagkasunduan ng MMC.
Umiiral sa lungsod ang alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-3 na madaling araw na curfew bilang pagkunsidera sa mga negosyo at pagpapasigla ng ekonomiya.
Ngunit inanunsiyo ni MMDA Chairman Benhur Abalos na alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw ang uniform curfew sa 16 na lungsod at isang bayan sa Kalakhang Maynila simula sa darating na Lunes, Marso 15.
Ang pagpapahaba ng curfew hours ay isa sa mga naisip na hakbang para mapigilan ang paglobo ng bilang ng bagong COVID 19 cases.
Sinabi ni Navarro tatalakayin sa sesyon ng Sangguniang Panglungsod ang resolusyon ukol sa pagbabago sa curfew hours sa Lunes.
Gayundin ang pagbabalik ng checkpoints sa hangganan ng lungsod sa San Pedro City sa Laguna na natalakay na sa ipinatawag na pulong ni Fresnedi sa mga kinauukulang opisina kasama na ang lokal na pulisya.
Sinabi din ni Navarro na handa silang magpatupad ng localized lockdown sa mga barangay kung kakailanganin dahil aniya base sa kanilang naging karanasan naging epektibo ito para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Sa ngayon, kabilang ang Muntinlupa City sa may pinakamababang kaso ng COVID 19 sa Metro Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.