Magpapalabas ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng memorandum circular para ipaalala sa local government units (LGUs) ang pagpapaluwag ng travel protocols.
Sinabi ni DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya, may mga lokal na pamahalaan ang hindi sumusunod sa Inter-Agency Task Force (IATF) resolution ukol sa pagbawi na sa travel authority at local health certificate requirements para sa local travels.
Pagtitiyak nito ang memorandum ay ginawa sa koordinasyon at konsultasyon sa League of Cities, League of Provinces at League of Municipalities at iba pang organisasyon ng mga lokal na opisyal.
Babala ni Malaya magpapalabas sila ng show-cause-orders sa mga LGUs na hindi susunod sa memorandum circular.
Noong nakaraang buwan binawi na ng IATF ang pagkuha ng travel authority at health certificates para sa mga lokal na pagbiyahe.
Hindi na rin mandatory ang COVID-19 testing at quarantine bagamat maari pa rin hingiin ng LGU ang negatibong COVID 19 test results sa mga papasok sa kanilang lungsod o bayan.