Lalaki na gumamit ng pangalan ni Sen. Go para sa pangingikil, naaresto ng NBI
Naaresto ng National Bureau of Investigation – Special Operations Group (NBI-SOG) ang isang lalaki na gumamit ng pangalan ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go para sa pangingikil.
Tinukoy ni NBI Officer-in-Charge Director Eric Distor ang suspek na si John Carlos Pedragosa Garcia.
Ayon kay Distor, nag-ugat ang operasyon mula sa reklamong inihain ng isa sa mga biktima.
Sinabi ng biktima na nagpakilala umano si Garcia na may koneksyon kay Sen. Go para manloko at makakuha ng iba’t ibang halaga ng pera sa mga negosyante at ilang indibidwal sa Albay, Laguna, Quezon at Rizal kung saan umabot na sa higit P6 milyon.
Noong February 24, 2021, inilahad ng isa sa mga biktima sa NBI-SOG operatives na naloko rin siya ni Garcia at nakakuha ng P50,000.
Sinabi rin nito sa mga awtoridad ang iba pang pangalan na nabiktima ng suspek.
Agad nagpunta ang mga operatiba ng NBI sa mga biktima upang hingan ng pahayag ukol sa suspek.
Lumabas din sa record check na may kinakaharap na warrant of arrest si Garcia na inisyu ng RTC Mandaluyong City dahil sa dalawang bilang ng kasong Estafa.
Nagpatuloy ang surveillance operation ng ahensya at saka natunton ang lugar kung saan nananatili ang suspek.
Noong March 10, 2021, armado ng warrant of arrest, nahuli si Garcia sa isang resort sa Bolinao, Pangasinan.
Nakitang gamit pa ng suspek ang kotse na binili sa isa sa mga biktima.
Dinala si Garcia sa tanggapan ng NBI kung saan siya sumailalim sa standard booking procedures.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.