Sundalong Pinoy patay sa Balikatan freak accident

balikatan-0422
Inquirer file photo

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines na isang tauhan ng Philippine Air Force ang namatay sa isang freak accident sa ginaganap na Philippine-U.S Balikatan military exercises sa Subic Zambales.

Sinabi ni Capt. Celeste Frank Sayson na sa dagat bumagsak ang isang Air Force personnel habang sumasailalim sa profiency parachute jump exercise pasado alas-tres ng hapon kanina.

Sa paunang imbestigasyon ng mga otoridad, tinangay umano ng hangin ang biktima kaya siya bumagsak sa dagat malapit sa Subic Bay Airport.

Inabot ng labing-limang minuto ang mga naka-pre positioned na medical team bago nakuha ang katawan ng biktima na idineklarang dead-on-arrival sa Unihealth Hospital.

Pansamantala munang hindi pinangalanan ang biktima na sinasabing may ranggong Airman 2nd Class ay nakatalaga sa 710 Special Operations wings ng Philippine Air force.

Umaabot sa 8,000 mga sundalong Pinoy ang kasama sa Balikatan war exercises na nagsimula noong April 4 at matatapos sa April 15.

Read more...