“Hindi 3-Day President si PNoy” – Malacañang

enrile-aquino
Inquirer file photo

Pumalag ang Malacañang sa banat ni Senador Juan Ponce Enrile na isang “3-day President si Pangulong Noynoy aquino.

Reaksyon ito ng Palasyo sa pahayag ni Enrile na kailangang umabot muna ng tatlong araw bago umaksyon ang Pangulo sa mga mahahalagang kaganapan sa bansa tulad ng Mamasapano incident, Bagyong Yolanda at ang pinakahuli ay ang naganap na rally ng mga magsasakang nagugutom sa Kidapawan City.

Ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, sa lahat ng pagkakataon ay masinsin ang pagtutok ni Pangulong Aquino sa mga mahahalagang kaganapan sa bansa at sa buong daigdig upang tiyakin ang pagkalinga at agarang pagtugon ng pamahalaan sa lahat ng pangangailangan ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa.

Dagdag ni Coloma, katuwang ng Pangulo ang mga miyembro ng gabinete at mga opisyal ng pamahalaan na kumikilos bilang isang pangkat.

Hirit pa ni Coloma, marahil ay kaya iyan ang kaisipan ni Senador Enrile ay dahil sanay ito sa estilo ng pamamahala noong miyembro pa ito ng gabinete ni dating Pangulong Marcos sa ilalim ng diktadurya at batas militar.

Naunang ng sinabi ni Enrile na kanyang napansin ang mabagal na pag-aksyon ni PNoy sa mga nagdaang emergencies kung saan ay kadalasang inaabot pa ng tatlong araw bago gumalaw ang chief executive.

Read more...