Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) sa bahagi ng Mindanao region.
Ayon kay PAGASA weather specialist Ana Clauren, huling namataan ang LPA sa layong 675 kilometers Silangan ng General Santos City dakong 3:00 ng hapon.
Mababa pa rin aniya ang tsansa na lumakas ito at maging bagyo.
Gayunman, asahan pa rin aniyang magdudulot ang LPA ng mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay malakas na pag-ulan sa buong Visayas at Mindanao.
Samantala, Northeast Monsoon o Amihan naman ang nakakaapekto sa lagay ng panahon sa Luzon.
Ani Clauren, mababa ang tsansa na makaranas ng malawakang pag-ulan.
Sa bahagi ng Northern Luzon partikular sa Cagayan Valley, Cordillera at Ilocos region ay posibleng makaranas ng isolated light rains sa Miyerkules ng gabi, March 10.
Malabo naman aniyang makaranas ng pag-ulan ang Kalakhang Maynila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Sa araw ng Huwebes, March 11, sinabi ni Clauren na posibleng magkaroon ng Tail-end of Frontal System na makakaapekto sa Bicol region.
Bunsod nito, maaaring makaranas ng kalat-kalat na pag-ulan na may kidlat at kulog sa nasabing rehiyon.