Ilang senador, inihirit ang ‘state of emergency’ dahil sa patuloy na pagkakamatay ng mga baboy
Hiniling ng Senate Committee on Agriculture and Food sa Malakanyang na magdeklara ng ‘state of emergency’ dahil sa nagpapatuloy na pananalasa ng African Swine Fever (ASF) sa mga baboy sa bansa.
Nabuo ang rekomendasyon sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Sen. Cynthia Villar hinggil sa patuloy na pagtaas na presyo ng karne ng baboy.
Lumabas sa pagdinig na halos P50 bilyon na ang nalulugi sa mga nag-aalaga ng baboy dahil sa ASF.
Si Sen. Francis Pangilinan ang unang naglatag ng panukala sa komite sa katuwiran na magiging daan ang pagdedeklara ng ‘state of emergency’ para agad mabigyan ng tulong-pinansiyal ang mga nag-aalaga ng baboy.
Sinegundahan naman ni Sen. Nancy Binay ang hirit ni Pangilinan at sa halip na sa Luzon lang paiiralin ang ‘state of emergency,’ minabuti ni Villar na sakupin na nito ang buong bansa.
Ibinahagi naman ni Agriculture Secretary William Dar na kumalat na ang ASF sa 463 bayan sa 40 lalawigan na nasa 12 rehiyon at nakapatay na ito ng 442,402 baboy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.