250,000 hanggang 300,000 katao, target ng gobyerno na mabakunahan kada araw
Target ng pamahalaan na makapagbakuna ng nasa 250,000 hanggang 300,000 indibidwal kada araw.
Ito ay kung darating na sa bansa ang mga dagdag na suplay ng bakuna kontra COVID-19.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni National Task Force Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon na ito ay para makamit ng pamahalaan ang target na mabakunahan ang 50 milyong Filipino sa taong 2021.
Aminado naman ang kalihim na hindi pa maabot ang daily target sa kasalukuyan, lalo’t limitado pa ang supply ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Ayon kay Secretary Dizon, sa Marso, inaasahan ang pagdating sa bansa ng 1.4 milyong doses ng Sinovac vaccines at karagdagang AstraZeneca vaccines mula sa COVAX facility.
Nasa 117, 000 Pfizer vaccines naman ang inaasahan na darating sa Abril, habang sa kalagitnaan ng 2021, inaasahan ang pagdating ng Moderna vaccines.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.