Inireklamo ng fish traders sa Anti Red Tape Authority (ARTA) si Navotas Mayor Toby Tiangco.
Ito ay dahil sa pagtanggi ni Tiangco na ilabas ang mga imported na isda na nakalagak sa fish storage facility sa Navotas.
Ayon kay Nenita Adalin ng Frozen Fish Association, makailang beses na silang nakipag-ugnayan sa Business Permit and Licensing Office para iapela na payagan na silang ilabas ang mga isda.
Pero paulit-ulit na ikinakatwiran ng BPLO sa fish traders na wala pang utos si Tiangco.
Ayon kay Adalin, kumpleto naman ang kanilang dokumento sa pagnenegosyo.
Sinabi naman ni Merlyn Tumalad na milyun-milyong piso na ang nalugi sa kanilang hanay.
Oktubre pa noong 2020 nakaimbak ang mga isda subalit hanggang ngayon ay nasa storage facility pa.
Bukod sa bumaba na ang presyo ng isda, patuloy pang nagbabayad ang kanilang hanay ng storage fee.
Nagdududa ang grupo na maaaring inuuna ni Tiangco na maibente ang kanyang mga kalakalal dahil nasa frozen fish din ang pagnenegosyo nito.
Bukod sa ARTA, balak na rin ng grupo na magpasaklolo kag Agriculture Secretary William Dar at sa Inter-Agency Task Force.
Nababahala ang fish traders sa Navotas na dahil sa panggigipit na ginagawa ng Tiangco, nakadadagdag pa sila sa problema ng kakapusan ng suplay ng isda sa merkado dahilan para tumaas ang presyo nito.