Hindi maayos na pagpapatupad ng mga “credit stimulus,” nag-ambag sa pagdami ng walang trabaho
Naniniwala si House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na nakapagdagdag sa pagdami ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa ang kabiguan sa wastong pagpapatupad ng credit stimulus.
Ayon kay Salceda, na isa ring ekonomista, patuloy pa rin ang “risk-averse” na hakbang ng mga bangko kung saan mas inilalagay nila ang kanilang pera sa trading operations kaysa ipa-utang ito.
Hindi rin aniya kaagad inilabas ng Executive Branch equity infusion sa ilalim ng Bayanihan 2 para sa government financial institutions (GFIs).
Bukod dito, naglabas pa ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng mas mahigpit na guidelines sa pautang, sa kabila ng expansion sa kanilang monetary policy.
Gayunman, sinabi ng kongresista na kailangan na maging mas “ambitious” ang vaccination program ng pamahalaan at hindi lamang basta umasa sa mga donasyon.
Sa pamamagitan aniya ng mabilis na vaccine rollout nakasalalay ang pagbangon din ng ekonomiya ng bansa, bukod pa sa inaasahang malilikhang trabaho para sa mga Pilipino sa ilalim ng CREATE Act.
Bukod dito, kailangan ding maibalik ang public transport para magkaroon ng manufacturing o industrial growth.
Sinabi ito ni Salceda matapos na inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang resulta ng kanilang latest Labor Force Survey kung saan natukoy na umakyat sa 4 milyon ang bilang ng unemployed na Pilipino noong Enero 2021, mas mataas kumpara sa 3.8 milyong naitala noong Oktubre ng nakaraang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.