Dahil sa nahihirapan na sila sa pagtago-tago at pakikipaglaban, minabuti ng 14 miyembro ng Abu Sayyaf Group na sumuko.
Sinabi ni Army 11th Division commander, Maj. Gen. William Gonzales sa pagsuko ng 14 ay isinuko din nila ang apat na M1 Garand rifles, dalawang M16 rifles, isang .62 G1 rifle at limang handguns.
Iniharap kay Gonzales ni Army Brig. Gen. Antonio Bautista, commander ng 1101st Infantry Brigade, ang 14 sa 1101 Brigade Headquarters sa Talipao, Sulu.
Isa sa mga sumuko, si Almudar Muhajiri ay nakipaglaban sa ilalim ni ASG leader Radulan Sahiron at nasa watchlist ng AFP at ang isa pa ay nakilalang si Warsib Hamja.
Nangako sa kanila si Gonzales na makakatanggap sila ng tulong mula sa gobyerno at pinuri si Bautista dahil sa mga pagsusumikap nito na makakumbinsi ng mga terorista na magbalik-loob sa pamahalaan.