Mga Filipinong nawalan ng trabaho, wala nang aasahang ayuda – Palasyo
Wala nang aasahang ayuda mula sa pamahalaan ang mga Filipino na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya sa COVID-19.
Pahayag ito ng Palasyo matapos ang ulat ng Philippine Statistics Authority na nasa 4.5 milyong Filipino ang nawalan ng trabaho noong 2020 dahil sa pandemya.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa halip na social amelioration program, luluwagan na lamang ng pamahalaan ang pagbubukas sa ekonomiya.
Dagdag ni Roque, pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang pagluluwag sa age group na maaring makalabas ng bahay.
Dahil sa pandemya, tanging ang mga nag-eedad 15 hanggang 65 lamang ang pinapayagan na makalabas ng bahay.
Ayon kay Roque, dadagdagan din ng pamahalaan ang pagbubukas ng transportasyon.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan I at II na nagbibigay ng pinansyal na ayuda sa mga mahihirap na pamilyang Filipino at ang mga nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.