Panukalang batas para maiwasan ang teenage pregnancy, pinamamadali sa Kamara

Nanawgaan si AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin na ipasa na ang panukalang Adolescent Pregnancy Prevention Act.

Layon ng House Bill 6426 na magtatag ng mga programa para maiwasan ang teenage pregnancies at magbigay ng social protection programs para sa mga kabataang ina, kabilang ang maternal health services, workshops, at livelihood.

Naalarma si Garin sa ulat ng Commission on Population and Development (PopCom), na sa nakalipas na halos isang dekada o mula 2011 hanggang 2019 ay tumaas ng 50 porsiyento ang bilang ng nabubuntis na nasa edad 10-14 o average na 530 kabataang babae kada araw.

Sabi ng kongresista, patuloy na maaapektuhan ang ekonomiya kung hindi malulutas ang krisis na ito.

Tinukoy ni Garin na noong 2017 ay iniulat ng United Nations Population Fund (UNFPA) na aabot sa P33 billion ang nawawalang kita dahil sa teenage pregnancies.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng mas maayos na access sa reproductive health services ang mga kabataan kabilang ang modern family planning methods sa paggabay ng trained service providers sa public at private facilities.

Nakapaloob din dito ang pagbuo ng regional at local information and service and delivery network para sa kalusugan ng mga kabataan, komprehensibong sexual education, pagtatatag ng adolescent centers, social protection at mga programa para sa mga magulang at guardians.

Nakabinbin pa ang nasabing bill sa House Committee on Youth and Sports Development.

Read more...