Nabawasan na ang paghihintay ng mga pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos ang madagdagan ang mga tumatakbong tren at mapabilis ang takbo nito.
Ayon kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati, mula sa dating 30 kph na operating speed ngayon ay umaabot na ito sa 60 kph.
Sa kabuuang 72 bagon ng MRT, 66 na ang nagagamit at 6 na lamang ang isinasailalim sa repair.
Pagmamalaki ni Capati, nakapagpatakbo na sila ng 23 train sets mula sa dating 10 hanggang 15 lamang.
Dahil dito ang dating 8 hanggang 9.5 na minutong waiting time, ngayon ay 3.5 hanggang apat na minute na lamang.
Ang byahe naman mula sa North Avenue sa Quezon City hanggang Taft Avenue sa Pasay City ay 45 minuto na lamang mula sa dating 1 oras at 15 minuto.
Natapos na rin anya ng mas maaga ang pagpapalit ng mga riles ng tren noong Disyembre ng nakalipas na taon na mas maaga sa target na February 2021.
“One hundred percent (100%) replaced and de-stressed na rin po ang ating buong linya from Taft Avenue to North Avenue,” dagdag ni Capati.
Sa ilalim anya ng Build, Build, Build Program ng administrasyong Duterte at pamumuno ni Transport Secretary Arthur Tugade ay patuloy ang ginaagawang upgrade sa MRT-3.
Sa ngayon sabi ni Capati ay nasa 78.3 percent ng tapos ang installation ng signaling system, 100 percent naman na tapos ang public address system habang 46 na escalator units at 34 elevators sa mga MRT stations ang fully operational na.