Pagbalewala ng food delivery apps sa 20% discount ng senior citizens, pinaiimbestigahan sa Kamara
Isang resolusyon ang inihain ni Deputy Speaker Bernadette Herrera sa Kamara para alamin ang kabiguan ng food delivery applications na kilalanin ang 20-percent discount para sa senior citizens.
Sa inihaing House Resolution No. 1626, pinakikilos ni Herrera ang kaukulang komite sa Kamara para imbestigahan in aid of legislation ang hindi pagsunod ng food delivery service providers sa Republic Act (RA) 9944 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Sa ilalim ng batas, ang mga nasa edad 60-anyos pataas ay dapat bigyan ng 20-percent discount at exempted sa VAT ng mga piling produkto at serbisyo.
Hakbang ito ng kongresista matapos makatanggap ng maraming reklamo mula sa mga nakatatanda na hindi sila makapag-avail ng diskwento sa mga ino-order na pagkain sa food delivery apps gaya ng Grab Food at Food Panda.
Ayon kay Herrera, sakop ng batas ang delivery orders basta’t makapagbigay ng senior citizen ID card number habang umu-order sa telepono, na maipi-prisinta rin pagdating ng delivery.
Iginiit nito sa food delivery service providers na ilagay sa profile ng account holder na senior citizen ang 20% discount para makapag-avail ang mga ito ng diskwento na naaayon sa batas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.