Pinasaringan ni Presidential Spokesman Harry Roque ang Amerika dahil sa wala pang naibibigay na bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas.
Nakikipagkasundo ang Pilipinas sa kompanyang Pfizer ng Amerika para sa mga bakuna, subalit hanggang ngayon ay wala pa.
Sa ngayon, tanging ang mga bakuna ng Sinovac sa China at AstraZeneca ng Europa ang nakararating sa Pilipinas.
“At kung hindi nga po tayo nakipagkaibigan sa mga bansa bukod pa sa Estados Unidos, mga bansa ngayon ng European Union kagaya po ng UK, ng Germany, ng France, ng Italy, ng Norway, at iba-iba pang countries, hindi po tayo makakatanggap ng bakuna galing din po sa COVAX facility,” pahayag ni Roque.
Mabuti na lamang aniya at isinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang independent foreign policy.
“Nagpapasalamat din kami sa iba’t-ibang mga bansa na tumulong para makarating ang bakuna sa Pilipinas. Unahin po siyempre natin ang unang dumating, ang bansang Tsina. Kung hindi po tayo nagkaroon ng polisiya made in Davao na tinatawag na independent foreign policy – kaibigan ng lahat at kaaway ng walang kahit sino – hindi po tayo makakatanggap hindi lamang ng 600,000 doses ng Sinovac, kung hindi one million doses,” pahayag ni Roque.
“Iyong bagong pagkakaibigan po natin – sa Tsina at sa European Union at sa bansang Canada, dahil kasama din po ang Canada sa COVAX – ang ating independent foreign policy, iyan po ang dahilan ngayon kung bakit isa na po tayo sa mga bansang nagbabakuna,” dagdag ng kalihim.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.