Kaligtasan ng Filipino household workers, pinatitiyak
Umapela ang mga kinatawan ng CIBAC partylist sa mga dayuhan at local recruitment agencies na garantiyahan ang kaligtasan at proteksyon ng mga Pilipinong household worker.
Ayon kina Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva at Rep. Domingo Rivera, welcome development ito para sa halos 100,000 household service workers na muling makapagtatrabaho sa United Arab Emirates (UAE) lalo na sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Sa kabila nito’y iginiit ng mga kongresista na dapat palagi pa ring handa ang gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipinong magtatrabaho sa ibang bansa.
Partikular na hindi anila dapat makaligtaan ay ang contact verification para hindi bumagsak ang Filipino domestic helpers sa human traffickers.
Nagpaalala naman si Villanueva sa pamahalaan na tutukan pa rin ang paglikha ng mga trabaho sa Pilipinas para hindi na kailanganing umalis ng mga Pilipino para magtrabaho sa abroad.
Kasunod ito ng pasya ng gobyerno na muling payagan ang pagpapadala ng household service workers sa UAE sa katapusan ng Marso, matapos na magkapirmahan ang Pilipinas at UAE ng bilateral labor agreement.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.