Defense Sec. Lorenzana nag-sorry sa atrasadong pension differentials ng mga retired AFP personnel
Nakiusap si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa mga retiradong sundalo na habaan pa ang pasensiya hinggil sa kanilang hinihintay na 2018 pension differentials.
Sa kanyang courtesy call kay House Speaker Lord Allan Velasco, hiniling ni Lorenzana sa retirees, na kung maari ay maghintay ng kaunti pang panahon dahil ang pera ay kinain umano ng COVID-19 pandemic at maraming pinagkakagastusan ang pamahalaan.
Ayon kay Lorenzana, bibili pa ng mga bakuna ang gobyerno kaya baka hindi kayanin kung maisasabay ang pensyon para sa mga retirado.
Nauna nang nagkaroon ng banggaan sa Mababang Kapulungan sa pagitan ng kampo ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano at House Speaker Lord Allan Velasco.
Ito ay dahil sa usapin ng P20 billion na kaltas sa Pension and Gratuity Fund o PGF para sa mga retired uniformed personnel sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act.
Nauna nang inihayag ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor na walang pondo rito na napunta sa mga bakuna at sa halip ay ginawang “pork” pero paliwanag ni House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap, may ihahain na P50 billion supplemental fund para sa pensyon ng mga MUP.
Kung si Lorenzana ang tatanungin, “no harm done” sa delay ng pagbibigay ng 2018 pension differentials para sa retiradong sundalo dahil makapaghihintay naman ang pagbabayad ng arrears sapagkat ang inuuna sa ngayon ay ang mga kailangan sa pandemya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.