Deputy Speaker Pichay, pinawalang-sala sa maanomalyang P1.5-M chess tournament
Pinawalang-sala ng Sandiganbayan 5th Division ang naunang pasya para hatulan sa kasong katiwalian si Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep. Prospero “Butch” Pichay, Jr. na may kaugnayan sa maanomalyang chess tournament.
Base sa 24-pahinang desisyon, binaligtad ng anti-graft court ang unang desisyon noong October 23, 2020, kung saan hinatulan si Pichay at dalawa pa ng paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standard.
Matapos ang pasya ng Sandiganbayan, naghain ng Motion for Reconsideration ang mambabatas at naghain ng mga bagong argumento.
Sa desisyong pinonente ni Associate Justice Maryann Corpus-Mañalac, sinabi ng korte na nagkamali sila sa iginawad ng hatol.
Nakasaad sa desisyon na hindi sapat ang mga ebidensiyang iprinisinta ng mga nag-aakusa sa mambabatas at mga kasama nito.
Kapwa akusado ni Pichay sina Emmanuel Malicdem at Wilfredo Feleo.
Iniutos din ng anti-graft court na alisin ang Hold Departure Order o HDO laban kay Pichay, at ipinababalik din ang inilagak nitong piyansa.
Nag-ugat ang kaso noong chairman pa ng Local Water Utilities Administration si Pichay at nag-sponsor ang ahensya ng P1.5 milyon sa isang chess tournament.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.