Nakapagtayo na ng sariling lighthouse ang China sa Subi Reef o Zamora reef na isa sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippines o South China Sea.
Ang Subi Reef ay kapwa pinag-aagawan ng Pilipinas, China at Vietnam at bahagi ng Spratly Group of Islands.
Bago tayuan ng mga istruktura ng China, nakalubog sa tubig ang kabuuan ng Zamora reef sa tuwing high tide.
Ngunit ngayon, kontrolado na ng China ang nasa 400 ektarya ng naturang bahura .
Batay sa pinakahuling mga larawan ng Subi reef, napailawan na ang naturang lighthouse o parola na may taas na 55-metro.
Ayon sa Xinhua news agency ng China, may kakayahan ang parola na bantayan ang mga dumadaang mga barko at iba pang sasakyang pandagat sa naturang rehiyon.
Noong nakaraang taon, sinabi ng China na magtatayo rin ito ng dalawang lighthouse sa Calderon (Cuarteron) reef at Johnson South (Mabini) reef sa Spartlys.
Lima pang parola ang itatayo ng China sa Paracel islands na inaangkin ng Vietnam, ayon sa report ng Xinhua news agency noong 2014.
Taun-taon, umaabot sa $5 trilyon na ship-borne trade ang dumadaan sa South China Sea.
Malaking bahagi ng South China Sea ang inaangkin ng China sa ilalim ng kanilang 9-dash line concept.
Dahil dito, naghain ng reklamo ang Pilipinas sa UN Arbitral Tribunal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.