Kasabay nang ikaapat na araw ng oral arguments sa Korte Suprema sa mga petisyon na ibasura ang Anti-Terror Law, iginigiit ng Liga Independencia Pilipinas (LIP) na hindi dapat pinag-aaksayahan pa ng panahon ang pagbusisi sa nilalaman ng batas dahil malinaw naman na binuo ito para pahalagahan ang buhay ng mga Filipino.
Sinabi ni Jose Antonio Goitia, secretary-general ng LIP, hindi na dapat bigyan pansin pa ang mga inihaing argumento ng mga nag-petisyon na maibasura ang batas sa paniniwalang mahina at walang basehan ang mga ito.
Diin niya ang dapat matalakay ay ang kahalagahan ng batas sa pambansang seguridad at sa pandaigdigan laban sa terorismo.
Dagdag pa ni Goitia kinakailangan na manindigan ang bansa para hindi masira ng ilang grupo ang tunay na layon ng naturang batas.
“Kailangang magkaroon ang ating gobyerno ng mga kasangkapan upang pigilin ang mga lokal at dayuhang aktor na malayang pagsamantalahan ang ating kasalukuyang sitwasyon. Nagsisimula ito sa batas at kooperasyon ng ibang bansa. Kailangang mangyari na ito ngayon,” sabi pa nito.
Samantala, sinabi naman ni Remie Rosadio, ang namumuno sa League of Parents of the Phils. (LPP), napakahalaga ng batas para matigil na ang ginagawang panghihikayat ng mga militanteng grupo sa mga kabataan at estudyante na labanan ang gobyerno sa mga kalsada hanggang sa kabundukan.