Sec. Roque, nagpaliwanag ukol sa pahayag na mahaba ang bakasyon dahil sa COVID-19
Nagpaliwanag si Presidential Spokesman Harry Roque sa naging pahayag na masyado nang mahaba ang bakasyon ng mga Filipino dahil sa COVID-19 kung kaya binawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedeklara ng tradisyunal na holiday sa November 2, December 24 at December 31.
Ayon kay Roque, ang konteksto ng salitang bakasyon ay maraming tao ang hindi nakapaghanapbuhay dahil sa pandemya.
Ninanais lamang aniya ng economic team ng pamahalaan na makahabol at mabuhay ang ekonomiya ng bansa.
“Alam niyo po, ang konteksto nito, ‘yung karagdagang araw na pinagpapatrabaho tayo, kasama na po ‘yung bisperas ng Pasko, bisperas ng Bagong Taon. Ang konteksto lang nito, talagang maraming tao ang hindi nakapaghanapbuhay dahil dito sa pandemiyang ito. Kaya nga ninanais ng economic team na makahabol naman tayo, at iyon po ang konteksto na aking sinabi,” pahayag ni Roque.
“Hindi naman po talaga bakasyon ‘yan, kung hindi, hindi nakapagtatrabaho, kaya ngayon na pupuwede na po tayong makapagtrabaho sana dahil nagbubukas na tayo ng ekonomiya, hayaan naman nating kumita at makapagtrabaho ang ating mga kababayan,” pahayag ni Roque.
Una nang umani ng batikos si Roque dahil sa pagiging insensitive sa mga nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.