Misencounter ng PNP at PDEA, naiwasan kung pumasa na ang panukalang amyenda sa anti-drugs law
Iginiit ni House Dangerous Drugs Committee Chairman at Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers na maiiwasan ang nangyaring ‘misencounter’ sa pagitan ng PDEA at PNP kung napagtibay lamang noon pa ang panukala na pag-amyenda sa Dangerous Drugs Act.
Ayon kay Barbers, kahit matagal na nilang ipinapawagan ang mandatory na pagsusuot ng body cameras ay tila nagbibingi-bingihan ang ilan na dapat nagpapatupad nito.
Kung meron aniyang body cameras ay posibleng napigilan ang insidente kamakailan o kaya naman ay nai-record sana ang mga pangyayari habang nasa operasyon.
Ilan pa sa mahahalagang amendments sa batas ay ang pagsama ng legal presumption laban sa mga personalidad o indibidwal na pinaghihinalaang coddlers o protector at financier ng drug suspects o sindikato, importers o exporters at manufacturers o cultivators at maging ang consenting lessors o landlords na pumapayag na magparenta ng pag-aari para gamiting laboratoryo o drug dens.
Kinalampag naman ni Barbers ang Senado na maghain na rin ng kaparehong bersyon ng panukala.
Matatandaan na noong 17th Congress ay naaprubahan ang panukala na pagamyenda sa Republic Act 9165 na ini-akda ni Barbers pero wala namang naihaing bersyon ang Senado kaya hindi na rin ito umusbong.
Ngayong 18th Congress, isang araw naman bago ang madugong engkwentro ng mga tauhan ng QCPD at mga ahente ng PDEA ay naipasa sa ikalawang pagbasa ang nasabing panukala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.