Pagpapatupad ng batas para sa taas-sahod ng mga nurse, iginiit
Kinonsensya ni House Minority Leader Joseph Stephen Paduano ang pamahalaan sa kalagayan ng mga nurse na buwis-buhay sa gitna ng pandemya pero kapos sa tamang pagkalinga.
Sa kanyang privilege speech, inungkat ni Paduano ang DBM Budget Circular na naglalayong ipatupad ang batas para sa nararapat na sahod ng mga nurse batay sa kautusan ng Korte Suprema.
Sabi ng kongresista, dalawang dekada na ang Philippine Nursing Act na nagtatakdang salary grade 15 o P32,000 talaga dapat ang entry level pay ng mga pampublikong nurse.
Pero hanggang sa ngayon aniya ay hindi pa ito naipatutupad dahil sa nakasaad na reclassification sa DBM circular na nagsasabing hindi gagalawin ang suweldo ng ibang nurse pero tatamaan ang kanilang posisyon.
Ang Nurse 2 halimbawa na dati nang tumatanggap ng salary grade 15, balik sa Nurse 1 ang posisyon.
Ganito rin ang iba pang nursing levels na ayon kay Paduano ay malinaw na demotion.
Plano ng minority leader na maghain ng resolusyon para paimbestigahan at suriing mabuti ang DBM Budget Circular at para malaman kung kailangan ng dagdag na lehislasyon para masunod ang nararapat na taas-sahod sa mga nurse.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.