Pagharap ng testigo ng prosekusyon kinuwestiyon ni Sen. Leila de Lima sa korte
By Jan Escosio March 02, 2021 - 09:30 AM
Kuwestiyonable para kay Senator Leila de Lima ang pagharap ng prosekusyon ng isa pang bilanggo ng National Bilibid Prison bilang testigo laban sa kanya.
Sa kanyang manipetasyon sa Muntinlupa RTC Branch 256, kinuwestiyon ni de Lima kung ang panig ng prosekusyon ay nakagawa ng subornation of perjury o pamimilit sa isang ipinanumpang testigo para magsinungaling.
Gayundin, ayon sa kampo ni de Lima, ang dereliction of duty sa pagprisinta kay convicted murderer Joel Capones bilang testigo ng gobyerno.
Paliwanag ng senadora, kung hindi naniniwala ang prosekusyon sa testimoniya ng sarili nilang testigo at iniharap pa rin nila ito, aniya ito ay subornation of perjury.
Sa testimonya ni Capones, inamin nito na sangkot siya sa illegal drug trading sa loob ng Bilibid kasama ang 12 mayores ng Sigue Sigue Sputnik gang noong 2014.
Ngunit pagdidiin ni de Lima dapat ay kasama si Capones sa mga kinasuhan ng gobyerno sa kanyang pag-amin, ngunit aniya ang nakapapagtaka ay hindi ito ginawa ng prosekusyon.
Nagdududa ang senadora na maaring may kapalit ang hindi pagsasampa ng kaso kay Capones at aniya posible ito ay ang pagtestigo laban sa kanya.
Sa pagtatanong ng mga abogado ni de Lima, sinabi ng mga ito na marami silang napalabas na mga butas at umaasa sila na ang lahat ng mga ito ay napansin ng hukuman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.