Presyo ng driver’s license, bababa

LTO 2Posibleng bumaba ang presyo sa pagkuha ng driver’s license sa buwan ng Agosto.

Sinabi ito sa Radyo Inquirer ni Land Transportation Office (LTO) Spokesperson Jason Salvador kasabay ng paglulunsad ng bagong color coded driver’s license para sa mga student drivers at conductors.

“Nung nagi-bid po kasi natin ‘tong bagong lisensya nakakuha po tayo ng lowest bid na around P68. Dati po kasi ang cost po ng lisensya na binabayaran sa lumang supplier e P150. Nakatipid po (ang) gobyerno.” pahayag ni Salvador.

Ayon kay Salvador kung noon ay resibo o papel lang ang ibinibigay sa mga student driver, ngayon ay i-isyuhan na rin sila ng PVC card na kulay orange.

Kulay yellow naman para sa mga bus conductors habang mananatiling color blue ang professional at non-professional pero may kaibahan ang kulay ng salitang “professional” na bold red sa professional at green sa non-professional.

“Dito po sa bagong disensyo minarapat na naming ilagay na non-professional driver’s license o professional driver’s license para specific na po at ma-identify.” Dagdag pa ni Salvador.

Kaugnay nito, humingi na ng permiso ang LTO para ibaba ang presyo ng mga lisensya. “Gumawa na po kami ng sulat sa Department of Finance upang magpaalam kung maaari naming i-reduce yung license fee. Ang balak po natin i-reduce e somewhere around P70.”

Sa ngayon ay nasa P350 ang halaga ng non-professional at student driver’s license.

Target ng LTO na ipatupad ang bagong color coded driver’s license sa unang linggo ng Agosto./ Jimmy Tamayo

Read more...