COVID-19 vaccination sa Pilipinas, sinimulan na

By Erwin Aguilon March 01, 2021 - 02:42 PM

Kuha ni Erwin Aguilon

Opisyal nang pinasimulan ang roll out ng pagbabakuna kontra sa COVID-19.

Ito ay matapos dumating ng bansa, araw ng Linggo (February 28), ang 600,000 na bakuna na Sinovac na donasyon ng China.

Sa anim na ospital sa Metro Manila isinagawa ang simbolikong pagbabakuna.

Kabilang na rito ang Philippine General Hospital, V. Luna Hospital, PNP General Hospital, Veterans Memorial Medical Center, Tala Hospital at Lung Center of the Philippines.

Isinagawa sa PGH ang pinakamaagang pagbabakuna at ang pinakaunang opisyal na naturukan kontra COVID-19 gamit ang Sinovac ay si Dr. Gerardo Legazpi, director ng PGH.

Sa Lung Center of the Philippines, si Health Secretary Francisco Duque III ang nanguna sa pagbabakuna kung saan si Dra. Eileen Aniceto, Department Manager ng Emergency Medicine and Outpatient Department ang unang naturukan.

Sa kanyang pahayag bago ang ceremonial vaccination, pinasalamatan nito ang China dahil sa donasyon nitong bakuna sa Pilipinas.

Iginiit din nito na dumaan sa mahigpit na pagsusuri ang bakuna na galing sa China.

Kaya sabi ni Duque, walang dapat ipag-alala ang tatanggap ng Sinovac dahil 100 percent na ligtas.

Ayon naman kay Dra. Aniceto, sa kabila ng maraming health workers ang umatras sa pagpapabakuna nang malaman na Sinovac ang ituturok sa kanila, hindi siya natakot dito.

Lahat naman aniya ng bakuna na naimbento kontra COVID-19 ay kayang proteksyunan ang isang indibidwal na magkakaroon nito na mamatay dulot ng virus.

Sabi nito, kapag may proteksyon sila laban sa nakamamatay na sakit ay malaki ang tyansa na protektado rin ang kanyang pamilya kapag umuuwi siya ng bahay galing sa ospital.

Isa rin sa unang naturuan sa unang araw ng pagbabakuna ang head nurse ng ospital na si Lourdes Liza Sales.

Ayon sa kanya, kahit na marami ang kumukwestyon sa Sinovac, naniniwala siya na maproprotektahan siya sa COVID-19.

Bukod dito, bilang mga health worker, makapanghihikayat sila sa publiko upang magtiwala sa bakuna.

Bago sumapit ang 11:00 ng umaga, isinagawa ang pagbabakuna sa Lung Center of the Philippines kung saan sa mahigit 100 na nagpasabi na gusto nila magpaturok ng Sinovac, 20 ang nauna.

Inobserbahan ang mga ito ng 30 hanggang isang oras sa katabing silid.

Pagmamalaki ni Dra. Aniceto na unang naturukan sa Lung Center, wala naman siyang kakaibang naramdaman.

Mensahe naman nito sa publiko at sa kapwa health workers, huwag magbakuna para lamang sa sarili kundi para sa pamilya.

Sa susunod na apat na linggo, ibibigay sa mga nabakunahan ang ikalawang dose.

Matapos ang ceremonial vaccination sa Lung Center sa araw ng Lunes (March 1), sa Martes (March 2) itutuloy ang pagbabakuna rito hanggang sa maubos ang 600 doses na ipinagkaloob sa kanila ng DOH.

Kuha ni Erwin Aguilon

TAGS: COVID-19 vaccination, COVID-19 vaccine roll out, DOH COVID-19 vaccination, first day of COVID-19 vaccine roll out, Inquirer News, Radyo Inquirer news, Sec. Francisco Duque III, Sinovac, Sinovac vaccine, Tagalog breaking news, COVID-19 vaccination, COVID-19 vaccine roll out, DOH COVID-19 vaccination, first day of COVID-19 vaccine roll out, Inquirer News, Radyo Inquirer news, Sec. Francisco Duque III, Sinovac, Sinovac vaccine, Tagalog breaking news

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.