(Courtesy: Senator Bong Go)
Humihirit si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara na itigil na ang planong imbestigasyon kaugnay sa nangyaring shootout sa pagitan ng mga tauhan ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay para mabigyan ng pagkakataon na makapagsagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation.
Ayon kay Roque, ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos ipatawag sa pagpupulong kagabi sa Malakanyang sina PNP Chief Debold Sinas at PDEA Chief Wilkins Villanueva.
Bilang tugon, sinabi ni Surigao del Norte Congressman Robert Ace Barbers na pansamantalang sususpendihin ng kanyang komite ang imbestigasyon sa shootout.
Nakatakda sanang magsagawa ng pagdinig ang House committee on Dangerous Drugs sa Marso 1.
Parehong naninindigan ang PNP at PDEA na lehitimo ang operasyon na nauwi sa misencounter.