Personal na sasalubungin nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go ang 600,000 doses ng Covid 19 vaccine na gawa ng Sinovac ng China.
Ayon kay Go, chairman ng Senate committee on Health, ito ang unang batch ng mga donasyon ng China sa Pilipinas. Aabot sa 100,000 doses ang ilalaan para sa sundalo at sibilyan na empleyado ng Department of National Defense.
“Kami ni Pangulong Durerte po ay sasalubong at magrereceive po ng bakuna mula sa China. Ito po ay donated vaccines,” pahayag ni Go.
“Darating na February 28. I think 5:00 p.m. po ay tatanggapin ni Pangulong Duterte,” pahayag ng Senador.
Nakagagalak ayon sa Senador dahil darating na sa bansa ang mga bakuna.
“Simple turnover naman po ito dahil kami po ni Pangulo ay nagagalak na meron na pong dumating finally sa February. Umabot po tayo sa February. On the last day po ay darating na po ang bakuna,” pahayat ni Go.
“Matagal na natin itong inaantay. Ako, as a legislator, talagang kinukulit ko po. Naawa na ako kina Vaccine Czar Secretary (Carlito) Galvez, Jr. at (Health) Secretary (Francisco) Duque. Halos araw-araw ko silang nire-remind. Sabi ko, ‘sir, inip na po ang ating mahal na Pangulo dahil kailangan na nating mag-umpisang mag-rollout,” dagdag ng Senador.
Ayon kay Go, ang Veterans Memorial Medical Center ang mangunguna sa pagbabakuna.
“Isa po ito sa na-identify ng gobyerno. Ang Veterans Hospital ang mangunguna at handa na po ang mga doktor at frontliners para simulan ang vaccine rollout once dumating na,” pahayag ni Go.
“I think sila po ang mamumuno sa ituturok po sa sundalo o civilian employees ng DND,” pahayag ni Go.