Sinovac vaccine darating na sa bansa sa Pebrero 28
Darating na sa bansa sa Pebrero 28 ang 600,000 doses ng bakuna kontra Covid 19.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, gawang Sinovac ng China ang mga darating na bakuna sa Villamor Airbase sa Pasay City..
“Tatlong tulog na lang po ay parating na po ang bakuna. Inaasahan na darating sa araw ng Linggo, itong Linggong pong ito ha, ang Sinovac kaya po excited na tayong lahat. Inaasahan po, at least ang pinaplano natin ay sasalubungin po ng mga opisyal ang pagdating ng mga bakuna. Maraming salamat pong muli sa Sinovac at sa Tsina dahil sa parating na paunang bakuna para sa mga Pilipino,”pahayag ni Roque.
Ayon kay Roque, nakahanda na rin ang mga ospital.
Sa 600,000 doses na donasyon ng China, 100,000 doses dito ang ipinalaan sa Armed Forces of the Philippines.
Una nang ibinida ni Roque na darating ang mga bakuna noong Pebrero 23 subalit naantala dahil sa kawalan ng emergency use authorization mula sa Food and Drug Administration.
Ayon kay Roque, ilang mga opisyal ng pamahalaan ang inaasahang sasalubong sa pagdating ng mga bakuna.
Hindi naman matukoy ni Roque kung personal na sasalubungin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdating ng mga bakuna.
Ayon kay Roque, oras na dumating ang mga bakuna, agad na sisimulan ang vaccination program.
“So, if it arrives on Sunday, if I am not mistaken, then we can rollout on Monday, dahil excited na excited na po ang maraming kababayan natin,” pahayag ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.