Japanese, Sri Lankan at Filipino nationals sangkot rin sa $81M money laundering scam

Kim wong millions

Hindi lang ang mga Chinese Nationals ang sangkot sa pagnanakaw sa 81 million dollars sa Bangladesh Central Bank.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Senador Teofisto Guingona III, Chairman ng Senate Blue Ribbon committee na base sa kanyang pakikipag-usap kahapon kay Bangladesh Ambassador to the Philippines John Gomes, kasama rin sa pagnanakaw ang ilang Japanese, Sri Lankan at Filipino nationals.

Ito aniya ang lumabas sa imbestigasyon ng Bangladesh kung saan nagkaroon ng international conspiracy.

“Don’t you think that it is really very international,” pahayag ni Guingona.

Umaasa si Guingona na dahil sa ginawang imbestigasyon ng senado, maibabalik ng buo ng Pilipinas ang 81 million dollars na ninakaw sa Bangladesh.

“Bukod sa pagbabago sa batas at least may nangyayari. Nagkasaulian na ng pera. Meron na naibalik at may pangako pa si Kim Wong na magbabalik,” dagdag ni Guingona

Sinabi ni Guingona na hindi na mahanap ngayon ng Department of Justice ang isa pang junket operator na si Weikang Xu.

“Hindi na ma-locate, kausap ko ang DOJ kasi under nila ang Bureau of Immigration, may record na pumasok sa PIlipinas pero walang record na lumabas ng Pilipinas,” pahayag ni Guingona.

Read more...